Friday, December 1, 2017

Jeepney

Jeepney

Sabi nila malapit ka ng lumisan
Sabi nila unti-unti ika’y pilit na kakalimutan
Paano na ang mga alaala na iyong ibinahagi
Sa mga panahong iyong inilagi

Paslit pa lamang nung una kitang nasilayan
Tuwang-tuwa sa bawat pag-abot ng bayad
Na parang maliit na konduktor kung umasta
Sinasabayan ang pagyugyug ng metal na sasakyan

Ang mga mahika ng pag-guhit sa iyong gilid
Ang mga palamuting “gawang pinoy” ang nakasabit
Ang mga rosaryo na gumagabay sa iyong pagkalakbay
At ang nag-iisang KABAYO sa harap na laging nakaagapay

Ang mga nakakatuwang mga karatula
Na di mo alam kung nang-iinis
O sadyang pampapawi lamang ng pagod sa buong magdamag
“Hatak mo, Stop Ko!, Basta Seksi Libre, Bayad muna BAGO TULOG, God Knows Judas not pay”

Bitbit mo ang karanasan ng aking pagkaestudyante
Ang mga mala biyaheng langit mong patakbo
Sabay ng tugtugan na mga hugot song na El Bimbo
“Aba kumapit ka baka ika’y tumilapon”

Ang pilit mong pagsiksik sa “LIMA PA KASYA”
kahit na hindi mo na mai-upo ang pwet mo
Sige siksik pa, kahit na nakasabit ka lamang sa hawakan
At ang mga paa mo’y manhid na sa bigat ng iyong katawan

May mga oras naman na ang takbo ni manong tsuper kasing bagal ng pagong
Minsan pa’y nasasagap mo na ang chismisan sa katabi mo
At ang ibat-ibang amoy at bitbitin ng ibang pasahero nakasalamuha mo
Wala ka parin sa kinaroroonan mo

At ngayon, nagtatalo ang lahat at ika’y bibitawan na
Mga alaala ng nakaraan pilit ng tinatangal
Paano na ang mga umaasa sa iyong pag-takbo
Bukas ika’y wala na at papalitan na ng bago

Ikaw ang simbolo ng bawat Pilipino
Kahit na maliit at metalica,
ika’y nakikipagsabayan sa laki ng mga train to BUSan
hindi nagpapaawat kahit na mundo makabago na

walang kupas ang tirada
Ang nag-iisang JEEP ng masa
Isang masigabong palakpakan
sa nag-iisang Hari ng kalsada



No comments:

Post a Comment

Featured Post

26 things I have learned in Life and in achieving my dreams

Happy Birthday To ME!! Feelings about being 26, well not that much, I still feel the same but this time I am a little bit of “gigil” in d...